Ang Namumukod na Katangian ng Aklat
Marami nang aklat hinggil sa Pilipinas na sinulat ng mga iskolar at mamamahayag noong 1986. Hindi lubusang isinasaalang-alang ng karamihan sa mga ito ang katangian, kadahilanan, paglago, implikasyon at bunga ng pambansang demokratikong kilusan. Ang kilusang ito ay itinuring na isang pangyayaring walang kabuluhan o nawalan na ng kabuluhan, isang target na dapat lipulin o isang salot na dapat itaboy sa pamamagitan ng botohang kontrolado ng mga piling tao.
Subalit ang ingay ng labanan ay walang-tigil na umaalingawngaw sa masmidya sa Pilipinas at sa buong daigdig. Ang mga opisyal na Amerikano mismo ay napipilitang kumilala sa makatuturang lakas ng iniinsulto nilang mga pwersa ng insurhensya. Sa katunayan, ang rebolusyonaryong kilusang pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas ay patuloy na nasa gitna ng tangahalan at na humahamon sa buong naghaharing sistema. Pinangangahasan kong sabihin na ang sitwasyon at rebolusyonaryong proseso ng Pilipinas ay tiyak na aakit ng papalaking pansin ng mga mamamayan ng daiigdig sa bawat taon.
Imposibleng ganap na maunawaan ang makabagong kasaysayan, kasalakuyang mga kaganapan at tunguhin sa Pilipinas kung hindi bibigyan ng karampatang pansin ang kilusan sa pambansang pagpapalaya at demokrasya at ang iba't ibang pwersa nito, kabilang ang Partido Komunista ng Pilipinas, ang Bagong Hukbong Bayan, at ang National Democratic Front at mga legal na organisasyon at alyansang masa.
Natatangi ang aklat. Dili iba't ang bantog na pangunahing palaisip at praktikal na lider ng rebolusyonaryong kilusang Pilipino, si Jose Maria Sison, ay binibigyan ng malawak na pagkakataong ibahagi sa mga mambabasa ang kanyang komprehensibo at malalim na kaalaman sa kiluusang ito. Siya ang pinakaawtoritatibong tinig hinggil sa kilusan sapagkat siya ang taong pinakaresponsable sa pagsilang, muling pagsulong at paglago ng lahat ng mayor na pwersa nito mula noong dekadang sesenta.
Angkop lamang na isalaysay ng aklat na ito ang kasaysayan ng kilusan sa pamamagitan ng kanyang buhay, kapanahunan at kaisipan. Hindi ito basta isang aklat ng isang tagamasid mula sa labas. Ito ang depinitibong aklat ng pangunahing tagapagtaguyod ng demokratikong rebolusyon ng mga mamamayan sa Pilipinas, at kung gayo'y may mataas na halagang dokumentrayo.